SAGAY, Negros Occidental – Siyam miyembro ng left-leaning National Federation of Sugar Workers ang pinagbabaril ng armadong kalalakihan nitong Sabado ng gabi.
Ang mga biktima ay iniulat na inokupahan ang pribadong lupa sa Hacienda Nene sa Brgy. Bulanon.
Napag-alaman, sila ay kumakain sa loob ng tents nang sila ay pagbabarilin ng lima hanggang anim na armadong kalalakihan, ayon kay Sagay police chief, C/Insp. Roberto Mansueto.
Limang minutong narinig ang mga putok sa lugar. Siyam katao ang namatay sa tama ng bala. Kabilang sa mga biktima ang dalawang menor de edad at tatlong kababaihan, ayon kay Mansueto.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang away sa lupa bilang posibleng motibo sa pag-atake.
Bago ang insidente, nakatanggap ang mga biktima ng ‘notice of coverage’ mula sa Department of Agrarian Reform para sa ‘redistribution’ ng bahagi ng Hacienda Nene.
Gayonman, hindi pa sila nadedeklara bilang opisyal na mga may-ari ng nasabing lupain.
Samantala, tiniyak ng may-ari ng hacienda na makikipagtulungan sa imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.
Kaugnay nito, nag-alok si Sagay Mayor Alfredo Marañon III ng P250,000 pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Wala pang pahayag ang NFSW hinggil sa insidente.
HATAW News Team