NITONG mga nakaraang linggo, walang gatol at walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Kung hindi tayo nagkakamali pitong linggong hindi nagmintis ang pagtataas ng presyo ng gasoline kada linggo.
Pansinin din na hindi naman nagbibigay ng takdang presyo ang advisories ng mga gas station kundi halaga ng sentimong ipinapatong lang nila sa kasalukuyang presyo.
Gaya halimbawa nitong nakaraang Lunes, ang sabi ng Flying V, Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp., at SEAOIL Philippines Inc., magtataas sila ng presyo bawat litro ng gasolina sa P0.40, diesel sa P0.20, at kerosene sa P0.10.
Pero hindi nila sinasabi na mula P59 bawat litro ay magiging P59.42 o etc.
Noong nakaraang linggo, tumaas ang presyo ng gasolina sa P0.50, diesel sa P0.15, at kerosene sa P0.20.
Isang taon na ang nakararaan, ang kabuuang itinaas ng presyo ay umabot na sa P11.97 sa gasolina, P11.95 sa diesel, at P11.46 para sa kerosene, hindi kasama riyan ang itinaas ngayong linggo.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng gasolina ay nasa P51.15 hanggang P64.95, diesel mula P44.10 hanggang P53.35, at kerosene mula P48.57 hanggang P58.70.
Wala pang Disyembre ‘yan, hindi nakapagtataka kung umabot pa ito hanggang P80 o biglang sumirt hanggang P100 bawat litro.
Ramdam na ramdam ito ng sambayanan dahil may chain reactions ito hanggang sa mga pangunahing produkto sa merkado na binibili ng mga consumer.
Gusto lang nating itanong, bukod ba sa walang humpay na pakikipagbakbakan sa illegal na droga at politika, wala bang plano ang Duterte administration na ipagsanggalang ang kanyang mamamayan sa hagupit ng ‘malikot’ kung hindi man dumadausdos na ekonomiya?!
Hindi ba puwedeng, have a break, at silipin naman kung ano na talaga ang nangyayari sa ekonomiya na mukhang nagiging banderang kapos?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap