SINISI si dating National Food Authority (NFA) administrator Jason Aquino at sinabing utak sa krisis sa bigas na dinaranas ng bansa na nagresulta sa paglobo ng inflation at naging dahilan ng pagbagsak ng trust at approval rating ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang inihayag kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque kaugnay sa pagbagsak ng trust at approval rating ni Pangulong Duterte batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Aminado si Roque na ito’y dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kasama ang bigas, kaya dapat managot si Aquino.
“Itong Jayson Aquino, dahil sa tingin ko singlehandedly, siya ang nag-create ng ganitong problema sa bigas na naging contributory doon sa pagtaas ng inflation rate natin, e dapat managot ‘no,” ani Roque.
Mula sa 88 percent approval ng Pangulo ay bumaba ito sa 75 porsiyento at bumagsak din ng 15 porsiyento ang trust ratings niya, mula sa dating 87 porsiyento ay pumalo na lamang ito sa 72 porsiyento.
“Hindi naman siya sadsad, very good at saka pinakamataas pa rin sa buong gobyerno ang approval rating ni Presidente. Bumaba nga lang, hindi natin makakaila iyan. At kami naman umaamin dahil iyan doon sa usaping malapit sa sikmura ng taong bayan, lalo na ang bigas,” dagdag ni Roque.
Nauna nang inihayag ni Roque, nakahanda siyang tambakan ng kaso si Aquino para mabulok sa kulungan.
Hindi lang aniya kasong technical malversation kundi graft and corruption ang isasampa niyang asunto kay Aquino dahil sa idinulot na pinsala sa publiko, maging sa gobyerno. Paliwanag ni Roque, hindi ginastos ni Aquino ang pondo ng NFA para bilhin ang mga palay mula sa lokal na magsasaka na magagamit sanang buffer stock kaya’t ang resulta ay nag-aangkat ng bigas ang Filipinas sa ibang bansa at nagbabayad sa mga dayuhang magsasaka.
(ROSE NOVENARIO)