AABOT sa mahigit 107 katao, karamihan ay mga bata, ang sinasabing nalason sa pagkain sa feeding program ng isang pribadong eskuwelahan para sa mahihirap na pamilya sa Muntinlupa City, kamakalawa.
Agad nagtungo si Mayor Jaime Fresnedi sa Ospital ng Muntinlupa (OsMun) upang personal na pangasiwaan ang pagkalinga at pagbibigay ng libreng gamutan sa mga pasyenteng naging biktima ng food poisoning.
Naging katulong ni Fresnedi sa pag-aasikaso sa mga pasyente si Dr. Edwin Dimatatac, ang director ng OsMun.
May 98 pasyente ang naitalang isinugod sa OsMun ng nagrespondeng rescue team at ambulansiya mula sa iba’t ibang barangay sa Muntinlupa, ang ibang biktima ay pinauwi makaraan malapatan ng lunas, habang ang iba pa ay under observation sa pagamutan.
Ilan sa matatanda na nagpasyang sa bahay na lamang magpagaling ang binigyan ng medical treatment ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong 10:00 am noong Sabado ay nagsagawa ng feeding program ang pamunuan ng De La Salle Santiago Zobel School sa Ayala Alabang, sa indigent families na nakatira sa Southville 3, NHA, Makabuhay Extention, NBP reservation compound, Brgy. Poblacion, Muntinlupa.
Sa naturang feeding program ay kumain sila ng kanin, nilagang itlog, giniling na baboy at saging ngunit pagsapit ng 6:30 pm ang mga biktima ay nakaranas ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Dito na humingi ng tulong ang mga residente sa kanilang opisyal ng barangay na dagliang umaksiyon at tumawag ng rescue team para dalhin sa pagamutan ang mga biktima.
Samantala, inaalam ni Dr. Juancho Bunyi, acting health officer ng Muntinlupa, ang posibleng naging dahilan ng umano’y pagkalason ng mga biktima, habang hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamunuan ng nasabing eskuwelahan.
ni MANNY ALCALA/JAJA GARCIA