SA wakas, may aktor ng may dugong Pinoy na nagwagi sa Primetime Emmy Awards para sa mga Kano.
Si Darren Criss, na ang nanay ay tubong Cebu, ay pinarangalan bilang Outstanding Lead Actor in a Limited Series or Movie sa Primetimy Emmy Awards noong September 17 sa Amerika. Idinaos ang awards night sa Microsoft Theater sa Los Angeles, California.
Ang Emmy Awards ay itinuturing na pinaka-prestigious na TV award sa buong mundo.
Nagwagi si Darren para sa pagganap n’ya sa The Assassination of Gianni Versace. Gumanap siya bilang Andrew Cunanan, ang half-Filipino serial killer na nasentensiyahan sa pagpatay sa limang lalaki, kabilang na ang world-famous fashion designer na si Gianni Versace noong 1997.
Sumikat si Darren sa Amerika dahil sa pagiging bahagi n’ya ng cast ng TV musical na Glee na sumikat sa buong mundo at nagwagi rin sa Emmy ng ilang ulit.
Sa mga interbyu sa kanya, laging binibigyang diin ni Darren na ang hilig n’ya sa musika ay nakuha sa ina n’yang Cebuana, bagama’t mahilig din ang ama n’ya na maggitara pero ayaw tumugtog sa harap ng maraming tao. Isang banker ang ama ni Darren.
Inaamin n’yang ‘di siya halatang may dugong Pinoy—kaya itinuturing n’ya ang pagiging Pinoy bilang “my secret weapon.”
Thirty-one years old na si Darren at may girlfriend na. Nine years old pa lang siya noong magsimula siyang mag-aral kumanta at maggitara. Mahusay din siyang composer at musician.
May mga album na siya na napabilang sa Top 100 sa ilang kategorya ng Billboard.
Maraming entries sa Google tungkol sa kanya. Sikat siya sa US, lalo na sa Los Angeles.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas