UMABOT na sa 11 katao ang kompirmadong namatay habang 60 ang nawawala sa pagguho ng bahagi ng isang bundok sa Naga City, Cebu nitong Huwebes, ayon sa ulat ng local disaster office.
Nangyari ang landslide sa Sitio Sindulan, Brgy. Tinaan nitong Huwebes ng umaga kasunod ng malalakas na pag-ulan, ayon kay Julius Regner, public information officer ng disaster office.
Isinailalim na sa state of calamity ang limang barangay na nakapalibot sa bundok, kabilang ang Tinaan, Cabungahan, Naalad, Mainit, at Pangdan, ayon kay Iris Algabre, communications officer ni Naga City Mayor Christine Chong.
Malapit ang natabunang mga bahay sa isang quarry site o lugar na isinasagawa ang mga paghuhukay sa lupa, ayon kay Tinaan Barangay Chairman Teodoro Cantal Jr.
Dagdag ni Cantal, dalawang linggo ang nakalipas nang abisohan niya ang mga residente na lumikas dahil sa mga bitak na nakita sa lupa.
Habang inilinaw ni Mayor Chong na naglabas na siya ng cease and desist order para ipatigil ang operasyon ng quarry site.
Limang katao ang iniulat na nahukay nang buhay at dinala sa ospital.
Nasa 300 pamilya ang lumikas sa evacuation center makaraan ang insidente.
Nangako ang provincial government ng Cebu na magbibigay ng ayuda sa mga lumikas.
Iniimbestigahan ng Mines and Geosciences Bureau ang pinang-yarihan ng pagguho na dati na raw natukoy na landslide-prone area.
Kasabay nito, patuloy ang pagsagip sa mga nabaon ng gumuhong lupa sa bayan ng Itogon, Benguet bunsod ng mga pag-ulang dala ng bagyong Ompong.
Ang bagyong Ompong sa ngayon ang itinuturing na pinakamalakas na bagyong dumaan sa bansa nitong taon.
HATAW News Team