BONGGA si Kiko Matos, huh! May dalawang pelikula kasi siya sa ToFarm Film Festival 2018, ang Mga Anak ng Kamote mula sa direksiyon ni Carlo Enciso at Alimuom mula naman sa direksiyon ni Keith Sicat.
Sa una, gumaganap si Kiko bilang seller ng kamote. Kasama niya rito sina Katrina Halili, Alex Medina, Carla Guevarra, at Lui Manansala. Sa Alimuomnaman, isa siyang goverment officer. Co-stars niya sina Ina Feleo, Epy Quizon, Mon Confiado, Dido dela Paz, Alora Espano, at Karl Medina.
“’Yung alimuom, singaw ‘yun ng lupa pagkatapos umambon. Sa pelikula po, ipinagbabawal na ng gobyerno ang pagtatanim dahil sa alimuom, ‘yung athmosphere,” sabi ni Kiko tungkol sa Alimuom.
“Doon naman sa ‘Mga Anak Ng Kamote,’ ipinagbabawal ng gobyerno ang pagkain ng kamote dahil nakasasama ‘yun sa kalusugan. Pero fiction lang naman po ito.”
Paano niya napagsabay ang paggawa ng dalawang pelikula?
“Una ko pong ginawa ‘yung ‘Alimuom.’ Noong natapos ko na po ‘yung gawin, tinawagan naman po ako para sa ‘Mga Anak Ng Kamote.’”
Sa tingin niya ba, mapapansin ang akting niya sa dalawang pelikula? Posible bang ma-nominate siya sa darating na awards night ng Tofarm 2018 at manalo siya?
“Hindi ko po alam, eh. Hindi naman po ako gumagawa ng pelikula para mapansin, eh. Gumagawa lang po ako ng pelikula para kumita,” natatawang sagot ni Kiko.
May ginawang short film si Kiko sa Cinemalaya 2018 na You, Me and Mr. Wiggles na may frontal nudity siya. Walang takot niyang ipinakita rito ang kanyang ‘pototoy’. Ano ang nagpalakas ng loob niya para magpakita ng ‘pototoy’ sa pelikula?
“Wala! Gusto ko po siyang gawin, eh. Hindi na kailangan ng lakas ng loob para sa character.”
Bukod sa frontal nudity, nagawa na rin ni Kiko na makipaghalikan sa kapwa niya aktor sa ibang indie films na ginawa niya. Kung sakali bang may offer sa kanya na may kissing scene ulit siya sa kapwa niya aktor, pero bading talaga ang makakahalikan niya, okey lang din ba sa kanya?
“Okey lang,” sagot ni Kiko.
“Basta sa akin, bayad ako, walang magiging problema. ‘Pag hindi ako nabayaran, doon magkakaproblema,” natatawang sabi pa ni Kiko bilang pagtatapos sa aming panayam sa kanya sa presscon ng Tofarm Film Festival 2018.
ni ROMMEL PLACENTE