NAKITA nang marami sa social media kung paano magwala at manakit ang mga ‘batang hamog’ sa Pasay City, kamakailan.
Hindi lang ‘yung kaso ng matandang kinaladkad nila pababa sa dyip saka pinagtulungang hatak-hatakin habang sinasaktan hanggang maigupo sa gutter.
‘Yan ay sa Taft Avenue nangyari.
Iba pa ‘yung naganap sa Macapagal Blvd., na walang ginawa kundi manakit ng mga pasahero at mang-agaw ng mga gamit o pagkain na kursunada nila.
Mantakin ninyo, sitsirya lang ang target pero walang pakundangan kung makapanakit ng mga pasahero?!
Ang ipinagtataka natin, marami na palang reklamo tungkol sa mga ‘batang hamog’ na ‘yan, e bakit hindi man lang umaaksiyon ang mga awtoridad lalo na ang pulisya at Department of Social Work and Development (DSWD)?
Kung hindi pa naging viral sa social media, hindi pa madadampot ‘yang mga batang hamog na ‘yan.
Marami ang nagsasabi na ang nagaganap na ‘yan ay dahil sa inutil na ‘Juvenile Act’ ni Sen. Kiko Pangilinan. Wala bang gagawin si Senator Kiko para amyendahan ‘yang batas na ‘yan na hindi nakatulong kundi nakapagpalala pa sa pagiging delingkuwente ng mga kabataan?
Aksiyon!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap