POSIBLENG mawalan ng trabaho ang higit 15,000 health workers ng gobyerno dahil sa pagtapyas ng Department of Budget and Management (DBM) sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH) para sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng Senado nitong Lunes sa pondo ng DOH para sa 2019, kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Budget Assistant Director Jane Abella dahil sa pagbawas sa pondo para sa dalawang programa ng Health department.
Ang mga tinutukoy na programa ang Health Facilities Enhancement Program na layong magtayo ng mga karagdagang pagamutan at ospital, at ang Health Human Resources Deployment na pansuweldo sa mga health worker.
Dahil sa tapyas, posibleng walang maitayong mga health center at ospital, at mawalan ng trabaho ang 15,012 health workers gaya ng mga doktor at nars, ayon kay Drilon.
Ngunit ayon kay Abella, binawasan ang mga pondo dahil sa mabagal na paggamit ng mga pondo sa mga programa nitong taon.