PALIBHASA lagi kaming nasa ABS-CBN kapag may presscon ang mga bagong show nila kaya noong imbitahin kami sa launching ng ABS-CBN Studio Experience sa 4th level ng Trinoma Mall nitong Huwebes ay hindi kami excited kasi ano ba naman ang bago, ‘di ba?
Pero iba nga ang experience kapag nasa loob ka na ng 1,400 square meters studio dahil ang dami-dami pala naming dapat makita na hindi naman namin nakikita kapag dumadalo kami sa presscon. Kailangan kasing libutin ang buong network at sa Trinoma Mall mo lang ito makikita ng buo.
Laking panghihinayang nga namin dahil ang tanging inabot namin dahil sa kakulangan ng oras ay ang PBB Breakout Housemates at para opisyal na maging Pinoy Big Brother housemate ay kailangang makapasa sa task na sa totoo lang, ang hirap, huh. Pati ang Dean of Writers na si Manay Ethel Ramos ay nagreklamo at nagyaya na nga kaagad lumabas.
Naaliw naman kaming mayugyog, mabasa ng water droplets habang nanonood kami ng ASAP 4-D live show.
Ang dami palang dapat ma-experience sa loob tulad ng maging contestant sa The Voice at pasukin ang directors’ booth ng It’s Showtime, mapasama sa fast talk ng Tonight with Boy Abunda, bilang manlalaro at maging Last Man Standing sa Minute to Win It, makipagbuno sa mga Bagani, Misyon: Ang Probinsyano (isang patintero-based game) o ng Ang Propesiya: La Luna Sangre (isang agawan base game).
Mabubusog ang mga mata ng mga papasok sa loob ng 1,400 square meters-studio city ang Walk of Fame patungo sa Heritage Hall na makikita ng mga bisita ang ilan sa vintage memorabilia at broadcasting equipment tulad ng ABS-CBN Millenium Transmitter na nakikita sa old bldg. (kanto ng Mother Ignacia cor Sgt. Esguerra Avenue).
Mini-theme park ito ng network tulad sa ibang bansa.
Ayon sa bumuo ng concept nito na si ABS-CBN Themed Experiences Inc. head, Cookie Bartolome, nahahati ang bagong Studio XP sa tatlong bahagi—ang Retail, Fantasy, at Retail Studios—na mayroong 15 attractions at full scale set reconstructions na binuo para i-level-up ang ibibigay na Kapamilya experience ng ABS-CBN sa iisang lugar lamang.
“Naging inspirasyon namin ang mga Kapamilya na nagnanais na maranasan at nananabik masilip ang studios sa loob ng network. Sa pamamagitan ng Studio XP, nais naming ilapit pa ang ABS-CBN sa mga Filipino.”
Sabi namin na ang numero unong target ng Studio XP ay ang mga Balikbayan at um-oo naman pero mas target nila ang masang Filipino at mga eskuwelahan na gustong maka-experience ang loob ng studios ng ABS-CBN.
Paliwanag namin na baka hindi kayanin ang P375 entrance ng masa lalo na ang mga minimum wage earner pero ang katwiran naman sa amin ay may presyong pagpipilian. At higit sa lahat target nila ang mga eskuwelahan na isama ang ABS-CBN Studio XP sa field trips.
Oo nga, mas safe pa ito kung tutuusin dahil indoor activity ito kung ikukompara sa malalayong lugar na kadalasang pinupuntahan at posibleng maging delikado pa para sa mga bata.
Sigurado kaming mag-e-enjoy ang mga bata sa nakaaaliw na laro ang ARX o augmented reality game na haharap ang isang grupo sa virtual monsters na dapat nilang talunin.
Ang mga bagets na may edad 12 years old pababa naman ay siguradong magsasaya sa Superheroes Playground habang puwede rin nilang subukan ang iba pang Studio XP attractions.
Puwede ring mag-uwi ng souvenirs mula sa #Starsnaps photo booth na puwedeng makakuha ng litrato kasama ang paboritong artista, at sa Star Catcher, isang claw machine tampok ang autographed items ng Kapamilya stars.
Marami pang mabibiling ABS-CBN Store merchandise, pati na rin ang mga limited edition products nito, sa bagong Retail Studio.
Upang mabuo ang natatanging Kapamilya experience, dapat subukan ang Heroes Burger. Tampok ang mga karakter nina Darna, Captain Barbell, at Lastikman sa Pinoy Komiks-themed na organic burger joint.
Kaya sa mga interesado, maaaring pumunta na sa ABS-CBN Studio Experience sa 4F ng Ayala Malls TriNoma na bukas ngayon sa publiko.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan