LILIMITAHAN ang suplay ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila, Bulacan at Cavite simula kahapon, Linggo hanggang Martes, abiso ng Maynilad kahapon.
Ayon sa Maynilad, ipatutupad nila ang rotational water supply availability dahil sa pagtaas ng turbidity o paglabo ng raw water sa Ipo Dam.
Sa ilalim ng rotational water supply availability, may partikular na oras sa loob ng araw na mawawalan ng tubig ang mga konsyumer.
Kabilang sa mga makararanas ng rotational water supply availability ang ilang barangay sa mga sumusunod na lugar: Meycauayan at Obando sa Bulacan; Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Maynila, Navotas, Pasay, Parañaque at Quezon City sa Metro Manila; at Bacoor, at Imus sa Cavite.
Pinag-iipon ng Maynilad ng tubig ang mga konsyumer sa mga nabanggit na lugar.