PAKAKAININ ni House Minority Leader Danilo Suarez si Agriculture Secretary Manny Piñol ng bigas na may bukbok araw-araw para maramdaman niya ang mga sinabi niya na pwede pang kainin ang ganoong klaseng bigas.
Ayon kay Suarez, “conduct unbecoming of a cabinet official” ang sinabi ni Piñol.
“That [statements made by Piñol] is a conduct unbecoming of a Cabinet official. Kakain siya ng bukbok? E pakainin ko kaya siya ng bukbok araw-araw, tignan natin, anong maramdaman niya,” ani Suarez kahapon sa isang news conference.
Sa panig ni Rep. Lito Atienza ng Buhay party-list, sinabi niyang walang ginagawa ang departamento ni Piñol sa kakulangan sa bigas habang ang National Food Authority (NFA) at ang NFA Council ay nagtuturuan kung sino ang may kasalanan sa pagka-delay ng rice importations.
Hindi, ani Atienza, tayo puwedeng umasa sa mga opisyal ng NFA at NFA Council.
“Dapat nag-resign na sila at bigyan ng pagkakataon ang iba na ayusin ang problema sa bigas,” ani Atienza.
Aniya, dapat nang pag-isipan ni Pangulong Rodrigo Duterte isang “drastic solution” sa problema.
Sa ngayon si Rep. Alfredo Garbin ng Ako Bicol party-list, na dapat mag-resign na sila Piñol, NFA administrator Jason Aquino at ang NFA Council head sa kabiguan na bigyang solusyon ang kakulangan sa bigas na nagresulta sa pagtaas ng presyo nito.
Ginawa ang panawagan, matapos sabihin ni Piñol na ang imbentaryo ng bigas ay nasa 1,320,927 metric tons lamang at tatagal nang 40 araw imbes 90 araw alinsunod sa batas.
Ayon kay Piñol, payag siyang kumain ng bigas na may bukbok na inangkat mula sa Thailand pagkatapos itong i-fumigate.
ni Gerry Baldo