ANG Filipinas ay matagal nang nag-aangkat ng isda, kabilang ang galunggong o round scad upang madagdagan ang supply lalo na tuwing closed fishing season, pahayag ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol nitong Martes, bilang sagot sa mga kritiko.
Noong 2017 lamang, ang bansa ay nag-angkat ng 130,000 metric tons ng isda ngunit walang nagreklamo, pahayag ni Piñol.
Ngayong taon, tatlong bilyong fingerlings ang bibilhin sa Indonesia, aniya.
“We have been importing and this idea of Chinese galunggong, Taiwanese galunggong, Vietnamese galunggong — galunggongs don’t have nationality,” aniya.
“The galunggong from China doesn’t have chinky eyes. That’s the same galunggongs swimming in the waters that we share with these countries, sila lang nakahuli. Ano ba problema do’n?” aniya.
Itinanggi ni Piñol na ang mabibiling galunggong sa mga pamilihan ay may formalin o embalming fluid. Ang traces ng formaldehyde sa isda, aniya, ay hindi ibig sabihin na ito ay may formalin.
Bukod sa imports, ang DA ay tumutulong din para mapataas ang produksiyon ng fish pens upang makatulong sa pagpaparami ng supply, aniya.