PATAY ang sanggol at apat na paslit, pawang magkakapatid, habang isa ang sugatan makaraang masunog ang kanilang bahay dahil sa paglalaro ng lighter ng isa sa mga biktima sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Ayon kay Manila Fire Department Arson Division Fire C/Insp. Redentor Alumno, namatay ang magkakapatid na Gemeniano na sina John Mike Twister, 12; Baby Michael, 7; Marcelo, 5; Miel Michael, 4, at Michaela, 18-buwang gulang.
Pawang dumanas ng 3rd degree burns sa kanilang mukha at katawan at namatay sa supokasyon ang magkakapatid.
Sugatan ang isa nilang kapatid na si John Michael, 9-anyos, na tumalon mula sa bintana ng kanilang bahay.
Base sa ulat, dakong 9:17 am nang sumiklab ang sunog sa bahay ng mga biktima, na nasa ikatlong palapag ng isang 3-storey apartment type sa 1869 Laperal Street, kanto ng Herbosa Street sa Tondo.
Ikinuwento mismo ng batang nakaligtas sa sunog na nagsimula ang apoy sa paglalaro ng lighter ng isa sa mga kapatid niyang namatay sa insidente.
Inaya umano ni John Michael ang mga kapatid na tumalon sa bintana ngunit hindi sumunod sa kanya.
Sinasabing kamakalawa ay muntik na rin umanong masunog ang bahay sa hindi pa batid na dahilan, na kinompirma ng mga awtoridad.
Napag-alaman mula kay Manila Fire Marshall, Fire S/Supt. Jonas Silvano, nabatid ng mga bombero na naka-padlock ang pinto ng bahay ng mga biktima kaya hindi sila nakalabas at nakulong habang ito ay nasusunog.
Nang mangyari ang insidente ay wala ang mga magulang ng mga biktima dahil ang ina ay nagtitinda habang namamasada ng pedicab ang kanilang ama.
Dahil gawa sa light materials ang bahay ay mabilis itong natupok ng apoy at umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago inihudyat na under control dakong 12:00 ng tanghali.
Idineklarang fire-out ang sunog dakong 1:33 ng hapon.
Hindi pa batid ng mga awtoridad kung gaano karaming bahay ang natupok sa sunog at kung ilang pamilya ang naapektohan nito.
Nahirapan aniya ang mga bombero na apulain agad ang apoy dahil dikit-dikit ang mga bahay sa lugar, na pawang may kalumaan na.
Masisikip din ang mga eskinita kaya’t nahirapang maglabas-pasok ang mga pamatay-sunog.
Tinatayang P120,000 ang halaga ng napinsalang mga ari-arian sa nasabing sunog.
nina BRIAN BILASANO at BONG SON