SAMPUNG pasahero ng UV Express ang sugatan makaraan ang karambola ng tatlong sasakyan sa Commonwealth Avenue sa Brgy. Old Balara, Quezon City, bago mag-1:00 ng madaling araw nitong Lunes.
Ayon sa ulat, nakaupo sa gilid ng kalsada ang mga sugatang pasahero nang maabutan ng mga rescuer habang ang iba ay nasa loob pa ng UV Express. Agad silang dinala sa ospital.
Kuwento ng UV Express driver na si Rolando Seguro, binangga siya ng kotse at sa lakas ng impact ay nagpaikot-ikot ang UV Express bago sila masalpok nang paparating na bus.
“Nagulat na lang ako binangga ako ng kotse sa bandang kaliwa ng sasakyan ko. Pagbangga niya umikot ‘yung sasakyan ko. Parating naman ‘yung pulang bus na iyon, ‘yun ang tumama sa tagiliran ko hanggang umabot ako rito,” ani Seguro.
Sumampa sa gutter ang UV Express, nayupi ang bahagi ng passenger side at nabasag ang windshield nito. Habang ang bus ay nabasag din ang windshield.
“Magkakasabay po kaming tatlo. Nagulat na lang po ako bumalagbag sa akin bigla ‘yung UV nga po kaya ‘yun nawalan na rin ako ng ano, hindi ko na maipreno kasi sabay-sabay kami,” ayon sa bus driver na si Marjon Caubat.
Hinabol ng ilang concerned motorcycle riders ang nakabanggang kotse at naabutan ito.
Habang ayon sa driver ng kotse na si Chito Fortu, pagka-ovetake sa kanya ng UV Express ay nabangga niya ito at tumama rin sa kanila ang bus.
Hindi aniya siya tumakas kundi dinala lang niya ang buntis na misis sa ospital nang sumakit ang tiyan.