MULING nagsanib-puwersa ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at National Telecommunications Commission (NTC) para labanan ang inaasahang paglipana ng mga ilegal na broadcast station sa bansa ngayong papalapit na ang midterm election.
Noong 2017, umabot sa 2,054 kaso laban sa mga ilegal na broadcast station ang naitala ng Broadcast Services Division ng NTC, ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA).
Maliban sa ilang kaso, ang mga nasabing administrative complaint na may kaugnayan sa paglabag ng mga hindi lisensiyadong estasyon ng radyo ay mismong ang NTC ang nagpasimula ng imbestigasyon.
“Ngayon ay 2018 na at karaniwang naglipana ang mga ilegal na broadcast station bago ang eleksiyon sa Mayo sa susunod na taon,” ani Erwin V. Galang, pinuno ng technical committee at trustee ng KBP.
“Muling nakikipagtulungan ang KBP sa NTC para masigurong walang ilegal na estasyon na mag-o-operate. Dahil sa ating partnership sa NTC, maraming paglabag ng mga ilegal na radio station ang nasusugpo. Basta po mapadalhan ng cease and desist order ng NTC ay bigla na lamang tumitigil ang kanilang operasyon at kusang naglalaho.”
Sa ilalim ng mandato ng NTC, ang ahensiya ay nagpapasimuno ng kasong may cease-and-desist order at show cause order laban sa mga ilegal na broadcast station na karaniwang bumubuo sa malaking bahagi ng mga kasong administratibo na hawak sa NTC.
Ayon kay Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, ang mga naunang kooperasyon ng NTC at KBP ay nagdulot ng pagsugpo sa mga tinatawag na fly-by-night broadcast station, lalo sa mga lalawigan, na patuloy na bumibiktima sa mga kandidato na bumili ng airtime para sa kanilang political ad.
Karaniwang naglalaho ang mga ilegal na brodkaster matapos makatanggap ng bayad para sa nasabing mga ad.
“Karaniwang lumalaki ang bilang ng mga kaso ng broadcast services kaugnay ng mga ilegal na brodkaster tuwing darating ang panahon ng kampanya. Ang ginagawa natin ay agaran tayong naglalabas ng cease-and-desist at show cause order laban sa mga ilegal na brodkaster na nagtutulak sa kanila na magsara, samantala ang iba ay bigla na lamang naglalaho,” paliwanag ni Cabarios.
Kinompirma rin ni COA Auditor Ma. Jocelyn Factora, ang resident COA auditor noong 2017, na halos lahat ng mga kasong administratibo na hawak ng NTC ay laban sa mga ilegal na broadcast station at hindi tungkol sa reklamo ng mga telco consumer.
“Ilan lamang ang mga kasong may kaugnayan sa telco,” ani Factora.
Hanggang nitong Disyembre 2017, may 148 na telco consumer cases ang inihain sa NTC Legal Office na kasalukuyang nirerepaso at ginagawan ng resolusyon.
“Sa pamamagitan ng ugnayan natin sa KBP ay kompiyansa tayong malalabanan natin ang paglaganap ng mga hindi lisensiyadong broadcast station na nakikipagkompetensya sa mga lehitimong broadcast station,” giit ni Cabarios.
ni Gerry Baldo