KADUDA-DUDA ang magkakasunod na palusot ng kontrabando sa Bureau of Customs (BOC).
Agosto rin taong 2017 nang italaga ni Pang. Rodrigo “Digong” Duterte sa puwesto si Commissioner Isidro ”Sid” Lapeña kapalit ni dating Philippine Marines Capt. Nicanor Faeldon na inimbestigahan ng Kamara at Senado sa P6.4 billion shipment ng shabu na nasabat sa Valenzuela City noong Mayo 2017.
May mga napaniwala na sa pagkakadiin kay Faeldon ng mga mambabatas ay hindi na muling mauulit na mapalusutan ang Customs sa ilalim ni Lapeña na retiradong heneral ng Philippine National Police (PNP).
Pero nitong nakaraang linggo, bigo ang Philippine Drug Enforcement Administration (PDEA) na masabat ang P7-B halaga ng shabu sa Cavite na naipuslit sa Customs.
Tanging ang mga magnetic lifter na lang ang nadatnan ng PDEA at wala na ang isang tonelada ng shabu sa isang bodega sa General Mariano Alvarez na kapareho ng 500-kilo na unang nasabat sa Port of Manila (POM).
Kung ikokompara ay ‘di hamak na mas malaki ang halaga na nakalusot sa Cavite nitong nakaraang linggo, kompara sa Valenzuela na nabawi at nakompiska ng PDEA nakaraang taon.
Ang warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Rainelda Estacio-Montesa Manila Regional Trial Court Branch 46 noong Enero 2018 sa mga nasa likod ng P6.4-bilyong shabu shipment ay naipatutupad pa lamang sa binansagang Customs broker cum fixer na si Mark Ruben Taguba na nakadetine ngayon sa Manila City Jail.
Kataka-taka, ang mga principal co-accused ni Taguba na sina Dong Yi Shen Xi, aka Kenneth Dong; Li Guang Feng, aka Manny Li; Eirene Mae Tatad, may-ari ng EMT Trading at consignee; customs broker na si Teejay Marcellana; Taiwanese nationals na sina Chen I-Min and Jhu Ming Jyun; at Chen Rong Huan ay hindi pa naaaresto at may duda na walang nais magpatupad ng pag-aresto.
Ang tanong, isasalang din ba ng Senado at Kamara sa nanggagalaiting imbestigasyon si Lapeña at ang Customs sa nangyari?
Ipakukulong din ba ng mga senador si Lapeña sakaling hindi maipaliwanag kung paano nakalusot sa tungki ng kanyang ilong ang P7-bilyong halaga ng shabu na naglaho sa Cavite matapos maipuslit sa Customs?
Aber, subukan nga natin kung talagang patas sina Sen. Panfilo “Ping” Lacson, aka “Mr. Clean,” at Sen. Richard “Dick” Gordon, ang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee!
KAMARA NATAMEME
SA IMBESTIGASYON
NG CERAMIC TILES
HINDI pa naipapaliwanag hanggang ngayon ang misteryosong pagkawala ng daan-daang container van na naglalaman ng ceramic tiles at iba pang mga produkto mula sa China na sukat na lang naglaho na parang bula sa Manila International Container Port (MICP) noong Marso 2018.
Ang mga naisalidang kargamento ay nasa “alert order” ni Lapeña, na ang ibig sabihin ay hindi maaring ilabas pero naipuslit din sa Customs.
Nagbanta pero hindi itinuloy ng Kamara ang imbestigasyon sa kaso matapos sibakin ni Pres. Digong sa puwesto noong May 30, 2018 si Deputy Commissioner Noel Patrick Prudente na umano’y kamag-anak incorporated ng isang mataas din na opisyal sa Customs.
Kung pinasuyod lang agad ni Lapeña ang mga tindahan ng construction materials at warehouse ng ceramic tiles, marahil ay nabawi pa ng Customs ang mga ninakaw na shipment sa Manila International Container Port (MICP).
Sa pamamagitan lang ng invoice ay magkakaalaman na kung ang ibinebentang produkto ay ibinayad o hindi ng kaukulang buwis sa pamahalaan.
Alam n’yo ba ‘yun, Mr. Commissioner?
SMUGGLED RICE SA CDO, ANYARE?
SA isang sub-port ng Customs ay naglaho naman nitong July ang 154 container vans ng smuggled rice sa Cagayan de Oro.
May mga kinasuhan daw pero walang nakaaalam kung sino-sino at hindi rin natin alam kung kasama sa tinutukoy ni Lapeña ang smuggler sa likod ng mga naglahong container ng bigas.
Ayon sa impormante natin, isang alkalde sa Cebu na kilalang smuggler ang nasa likod ng malaking pagnanakaw.
May smuggling na nga, may nakawan pa!
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG
ni Percy Lapid