ILEGAL ang pananatili ni House minority leader Danilo Suarez sa kanyang posisyon ngayon na nagkaroon na ng bagong House speaker.
Ayon sa mga kongresista, ilegal at imoral lamang na proseso ang tanging paraan na mahalal si Rep. Danny Suarez at ang kanyang grupo bilang minority group.
Ayon kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, karamihan sa mga nakausap niyang kasama sa Kongreso ay ayaw ng ganyang uri ng pamomolitika.
“The flagrant violation of accepted parliamentary and our own House rules contributed to the downfall of the past House leadership. Huwag naman sana maulit sa ilalim ng bagong liderato,” ani Baguilat, isa sa mga miyembro ng Liberal Party na nagpahayag ng kanilang pagsama sa bagong minorya ng Kamara.
Ang grupo ni Quezon Rep. Danilo Suarez, tinaguriang dilawang minorya, ay ayaw bumitiw sa kanilang puwesto sa minorya.
Si Suarez, kasama si Manila Rep. Lito Atienza ay mga supporter ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay pumirma sa manifesto of support sa kanya laban kay dating speaker Pantaleon Alvarez.
“Kinakailangan natin ng isang tunay na malaya at mahusay na minority bloc upang mapaganda ang diskurso sa budget, Cha-cha, TRAIN at darating pang mga debate,” ani Baguilat.
Paliwanag ni Caloocan Rep. Edgar Erice, isa pang miyembro ng LP: “Ang patuloy na pagpipilit ng kampo ni Cong Suarez na manatili bilang minority group sa Kamara, bagamat maliwanag sa batas at alituntunin na sila ay nasa mayorya na ay hindi lamang pagsasalaula sa Kongreso kundi pagnanakaw sa karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng check and balance sa Mababang Kapulungan.”
“Tungkulin ng bawat kinatawan ng Kongreso ayon sa kanilang sinumpaang katungkulan na labanan ang ganitong uri ng kabalbalan,” giit ni Erice.
Nanawagan si Erice sa mga kasamahan niya sa minorya na gawin ang lahat – sa korte, kalsada at iba pang protesta – para mapigilan si Suarez na matagal nang kaalyado ni Arroyo.
“Ang palpak na kamada ng grupo ni Suarez ang lalong magpapabagsak sa imahen ng kamara,” ani Erice.
Nanawagan din si Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Rep. Antonio Tiñio kay Suarez na bumitiw na sa kanyang puwesto matapos bumoto kay Arroyo.
“Magkakaroon ng katawa-tawang sitwas-yon na ‘yung minority leader ay ‘yung tagasuporta at aminadong nagkampanya pa nga kay GMA [Gloria Macapagal Arroyo],” ani Tiñio.
ni Gerry Baldo