NASAKOTE na ang rape convict na nag-viral noong Disyembre ang retrato makaraan mag-selfie habang nasa likod niya ang ilang pulis sa Laguna.
Ang suspek ay wanted dahil sa pananaksak sa ama ng kaniyang ginahasa.
Ayon sa ulat, pinaghahanap ng mga pulis si Radden Argomido makaraan mahatulang guilty ng korte noong 2016 sa kasong panghahalay sa isang babae sa Los Baños, Laguna, sa insidenteng naganap noong Pebrero 2013.
Nitong nakaraang Enero, pinagsasaksak ni Argomindo ang 66-anyos ama ng kaniyang hinalay.
Bago ang pananaksak, nagawa ni Argomindo na mag-selfie noong Disyembre 2017 habang nasa likod niya ang ilang pulis bagama’t wanted na siya.
Sa press briefing sa National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Taguig, sampal ang inabot ni Argomido nang makaharap niya ang kaniyang biktima.
Nadakip si Argomido sa construction site sa Brgy. Pacita 2 sa San Pedro, Laguna, kung saan siya nagtatrabaho.
Humingi siya ng tawad sa kaniyang mga biktima at maging sa pulisya na mistulang ipinahiya niya sa kaniyang selfie.
Ayon sa ulat, sinabi umano ni Argomido na napagtripan lang niya na kumuha ng retrato habang nasa likod niya ang mga pulis.
Ang naturang retrato ang naging ‘lead’ ng mga pulis para matukoy ang kaniyang kinaroroonan.
Umamin din umano ang suspek na gumagamit siya ng ilegal na droga.