TINATAYANG P30 milyong halaga ng magkakahiwalay na illegal shipment mula sa China ang nasabat ng Bureau of Customs (BoC) sa Manila International Container Port, nitong Miyerkoles.
Batay sa imbestigasyon ng BoC, 12 shipment na naglalaman ng mga tubo ang dumating sa port. Ang consignee nito ay Siegreich Enterprise.
Sinabi ni Customs Commissioner Isidro Lapeña, sa dokumentong isinumite sa kanila ay idineklarang nasa 16,380 kilos lang ang bigat ng naturang shipment.
Agad aniyang naglabas ng alert order makaraan itong makitaan ng discrepancy at lumitaw na nasa 27,100 kilos ang bigat nito.
Nabatid na P18 milyon ang halaga ng nasabing shipment.
Samantala, sa iba pang transaksiyon, nasabat ang tatlong container van na naglalaman ng misdeclared items na P12 milyon ang halaga.
Ayon kay Lapeña, idineklara ng consignee na Hepomlan Trading, na gadgets at mga laruan ang laman ng shipment.
Ngunit sa inspeksiyon, nakitang ang laman nito ay hair treatment products, teeth whitening set, insecticide at wedding ring cases. Wala rin itong permit mula sa Food and Drug Administration.
Maglalabas ng warrant of seizure and detention ang Office of the District Collector habang naglunsad ang ahensiya ng imbestigasyon.