SIMULA ngayong araw ay makukuha na ng jeepney drivers ang P5,000 cash card na subsidy na ibibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Isang bagay na pampalubag-loob sa ating mga tsuper na maya’t maya ay dumaraing dahil sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng diesel.
Ang subsidy na ito ay nasa ilalim ng Pantawid Pasada program na ipinaiiral ng gobyerno para nga naman kahit paano ay maibsan ang hilahil ng ating jeepney drivers na apektado ng mataas na presyo ng diesel dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion law, bukod pa sa halos linggo-linggong pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.
Plano sana ng pamahalaan na kada buwan ipamahagi ang cash card na nagkakahalaga ng P833, pero dahil nga naman tila hindi ito mararamdaman, pinilit ng LTFRB na ibigay na lamang ito nang isang bagsakan.
Maaaring kakarampot lamang ang P5000 na ayuda sa jeepney drivers, pero mainam pa rin kung tutuusin dahil ilang litro rin ito ng diesel na puwedeng pagkakitaan. Hindi man sapat ngunit may tulong.
Gayonman, ang higit na nais ng mga tsuper na siyang laging apektado sa tuwing tumataas ang presyo ng diesel, ay makita ng mga tauhan ng pamahalaan ang masaklap na epekto ng TRAIN law na labis na nagpapahirap sa kanila. Dapat nga sigurong rebisahin ito at tugunan na kaagad ng pamahalaan ang daing ng mamamamayan.