HANGGANG ngayon ba ay nagtataka pa kayo kung hindi kayang panindigan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang kanyang mga sinasabi? Bago kayo nang bago. Ilang beses na ba niyang ginawa ito? Iba ang sinasabi sa kanyang ginagawa.
Kahapon muling bumanat si Duterte sa Simbahan at muling kinutya ang Diyos. Ginawa niya ang pambabalahura sa Simbahan, isang araw matapos ang moratorium na siya mismo naman ang nagbigay, nang makipag-usap siya sa pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa Malacañang.
Lokohan at kalokohan!
Iyan mismo ang maaaring sabihin sa ginagawa ngayon ni Duterte, o sabihin nating ginagawa ni Duterte noon pa man. Hindi niya kayang tuparin kung ano ang nauna niyang sinabi. Katiwa-tiwala ba ang ganitong lider?
Kaya nga siguro ito ang dahilan kung bakit unti-unti nang bumababa ang bilang ng mga Filipino na bumibilib sa kanya. Hindi ba’t naglabas ng survey ang Social Weather Station na bumaba ng 11 porsiyento ang satisfaction rating ng pangulo. Hindi nakapagtataka na sa mga susunod na linggo pati ang trust rating ng pangulo ay bababa na rin dahil sa mga ganitong pag-uugali niya. Pangulo na walang isang salita.