INIHAYAG ng PAGASA na bukas sila sa konsultasyon ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa suspensiyon ng klase tuwing masama ang panahon.
Ayon kay weather forecaster Ariel Rojas, sumusunod ang PAGASA sa Executive Order No. 66 na nagsasaad kung aling antas sa paaralan ang sususpendehin ang klase base sa storm warning signal.
Awtomatikong suspendido ang klase sa pre-school at kindergarten sa mga pribado at pampublikong paaralan kapag nakataas ang Signal Number 1.
Kapag itinaas ang Signal Number 2, awtomatikong suspendido ang klase mula pre-school hanggang senior high school sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan.
Habang kanselado ang klase sa lahat ng antas sa mga pribado at pampublikong paaralan oras na itaas ang Signal Number 3.
Ngunit kung walang nakataas na storm signal at inaasahan ang masamang panahon, nakasalalay sa local government units ang desisyon sa suspensiyon ng klase. Gayonman, inirerekomenda ng PAGASA ang konsultasyon sa kanila at sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa magiging lagay ng panahon.
Bukas umano ang kanilang opisina ano mang oras para sa mga tanong tungkol sa lagay ng panahon.
Nagsuspende ng klase ang ilang mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang siyudad at lalawigan nitong Lunes at Martes dahil sa inaasahang sama ng panahon dulot ng habagat.
Nitong Martes ng hapon ay nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong “Gardo” na nakaapekto sa umiiral na habagat na nagdala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, maaaring magkaroon ng dalawa hanggang apat na bagyo ngayong Hulyo.