HINIMOK ng isang kongresista na panagutin ang Grab sa malawakang estafa kaugnay sa pagpataw nito ng ilegal na singil sa kanilang mga suking pasahero.
Ayon kay Rep. Jericho Nograles ng Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) party-list, niloko ng Grab ang mga suki nila sa pagpapataw ng P2 kada minuto na waiting time sa bawat transaksiyon sa pasahero.
Kahapon nag-utos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pagmultahin ng P10-milyon ang Grab dahil sa pagsingil ng P2 dagdag pasahe sa kabila ng mga aprobadong singil nila.
Sinabi rin ng LTFRB na dapat ibalik ng Grab ang sobrang singil nila sa mga suking pasahero sa pamamagitan ng rebates.
Ani Nograles, ang utos ng LTFRB ay nagpapatunay na ang Grab Philippines ay may nagawang ilegal na nakaapekto sa 67 milyong “total rides” mula Hunyo 2017 hangang Abril 2018.
“Nagsinungaling at niloko nila ang mga pasahero nila,” ani Nograles.
Sana, ani Nograles, magsilbing babala ang utos ng LTFRB sa iba pang mga kompanya kagaya ng Grab na mananagot sila sa mga katiwalian.
ni Gerry Baldo