HIMALANG nakaligtas sa pangalawang pagkakataon ang isang negosyanteng lalaking lulan ng kotse makaraan makipagbarilan habang binawian ng buhay ang suspek na isang dating pulis at nasugatan ang kanyang kasama sa sinasabing insidente ng ambush sa Muntinlupa City, kamakalawa ng hapon.
Agad binawian ng buhay sa insidente dulot ng ilang tama ng bala sa katawan ang suspek na si PO2 Pedro Delgado, 43, may asawa, at residente sa MRH, Soldier Hills Village, Brgy. Putatan, Muntinlupa.
Isinugod sa Medical Center Muntinlupa ang isa pang suspek na si Alfredo Alcaraz, Jr., 26, residente ng Bunyi Compound, Brgy. Cupang, Muntinlupa.
Habang kinilala ang negosyanteng si Romil Quambot, 55, may asawa, negosyante, at residente sa Soldier Hills, Brgy. Putatan, ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente 5:00 pm malapit sa main gate ng Soldier Hills, Brgy. Putatan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Quambot ang kanyang Toyota Vios na may plakang SGS 953, ngunit pagsapit sa naturang lugar ay bigla siyang pinagbabaril ng mga suspek na lulan ng motorsiklo.
Hindi tinamaan si Quambot ngunit nakaganti siya ng mga putok na nagresulta sa pagkamatay ni Delgado at ikinasugat ng kanyang kasama.
Ilang taon na ang nakalipas ay malubhang nasugatan si Quambot sa unang ambush sa kanya na ang motibo ay alitan sa lupa.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang siyam piraso ng basyo, isang .45 caliber pistol na may dalawang magazine at isang .45 Armscor pistol na may isang magazine at walong bala.
Ayon kay Chief Insp. Gideon Ines, hepe ng Muntinlupa police Investigation Section, si Delgado, naka-helmet ay kinilala sa nakuhang ID sa kanya.
Batay sa record na kanilang nakalap, si Delgado ay naka-assign sa Muntinlupa bago siya huling itinalaga sa Mindanao ngunit nag-AWOL hanggang matanggal sa serbisyo.
May pending cases siyang carnapping, qualified unlawful possession of firearm, alarm and scandal at may bench warrant. Kasama siya sa high value targets ng Muntinlupa Police.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
ni MANNY ALCALA