DALAWA katao ang agad binawian ng buhay habang 14 ang sugatan nang mapitpit ng dalawang truck ang isang L300 van sa Atimonan, Quezon, nitong Linggo ng madaling-araw.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nangyari ang insidente sa Maharlika Highway sa Brgy. Sta. Catalina, 3:00 ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ng pulisya, patungo sa Bicol ang van at ang dalawang truck. Habang nasa pababang bahagi ng highway ang tatlong sasakyan nang mawalan umano ng preno ang truck na nasa likod ng van kung kaya’t nasalpok ito.
Sa tindi ng pagsalpok ng truck sa likod, bumangga ang van sa sinusundan nitong isa pang truck at napitpit ito sa gitna ng dalawang sasakyan.
Pahirapan ang isinagawang rescue operation ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Atimonan na tumagal ng halos isang oras.
Naipit sa loob ng van ang mga sakay nito, at naipit din ang driver at dalawang pahinante ng truck na bumangga sa van.
Hawak ng PNP Atimonan ang driver ng truck na bumangga sa van na si Elmer Gomez.