BUMAGSAK sa mga awtoridad ang umano’y huling miyembro ng Buratong drug syndicate, sa ikinasang buy-bust operation at narekober ang 27 medium sachet ng shabu sa Brgy. Pineda, Pasig City, nitong Martes.
Sa ulat ni EPD director, S/Supt. Bernabe Balba, kinilala ang suspek na si Antonio Intalan, 49, isang construction worker.
Nakompiska mula sa suspek ang 190 gramo ng ilegal na droga, tinatayang mahigit P1.25 milyon ang halaga.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, C/Supt. Guillermo Eleazar, kabilang si Intalan sa Top 10 high value target category level 1 ng Eastern Police District (EPD).
Nabatid na kabilang din ang suspek sa mga miyembro ng Amin Buratong Drug Syndicate na nasa likod ng operasyon ng Pasig shabu tiangge.
Dagdag ni Eleazar, ang pagkakaaresto sa suspek ay resulta ng follow-up operation makaraan madakip kamakailan sa magkahiwalay na buy-bust operation ang iba pang miyembro ng Buratong drug syndicate sa Pasig City, at nakompiska ang mahigit P680,000 at P1.36 milyong halaga ng shabu. Si Intalan ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ED MORENO)