LIMANG pelikulang Filipino ang makikipagkompetensiya at ipapalabas sa 21st Shanghai International Film Festival (SIFF) sa China simula 16 Hunyo 2018. Ang SIFF ay isa sa pinakamalaking festivals sa Asya na itinanghal na rin ang ibang Filipino films.
Noong 2017, ang pinakamataas na award na kanilang naipagkaloob sa Filipinas ay Golden Goblet, na iginawad sa Pauwi Na ni Paolo Villaluna. Sa taong ito, dalawang pelikula ang makikipagkompotensiya sa Asian New Talent – ang Respeto at Nervous Translation.
Ang mga pelikulang ito ay nakakuha ng mga nominasyon sa mga sumusunod na kategorya: Best Cinematographer para kina Dennese Victoria, Jippy Pascua ng Nervous Translation; Best Scriptwriter para kay Shireen Seno ng Nervous Tranlation; Best Director para kay Treb Monteras II ng Respeto; Best Actor para kay Abra ng Respeto; at Best Actress para kay Jana Agoncillo ng Nervous Translation.
Sa Panorama Section, ang Smaller and Smaller Circles ni Raya Martin at I’m Drunk’ I Love You ni JP Habac ang ipapalabas. Si Raya Martin ay miyembro rin ng Jury para sa Asian New Talent ngayong taon.
Kabilang sa mga tampok na pelikula ang Neomanila ni Mikhail Red sa The Belt and Road Film Week. “It’s always thrilling to learn that these films continue to go around the world as proudly showcased in international film festivals. We wish our Filipino films the best of luck in SIFF,” sabi ni FDCP Chairperson at CEO na si Liza Diño.
Si Chairperson Diño mismo ay makikilahok sa SIFF bilang speaker sa High Level Forum on the Cultural and Economic Importance of Film and the Role of Copyright na hosted ng World IP Organization sa Hunyo 19-20.
Samantala, ang QCinema Festival Director na si Ed Lejano ay magiging bahagi ng The Belt and Road Summit upang talakayin ang pagpapabuti ng kooperasyon sa pamamagitan ng festival programming. Ang 21st Shanghai International Film Festival sa China ay tatakbo hanggang 25 Hunyo 2018
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma