IMPRESSIVE ang trailer ng pelikulang Cry No Fear na produced ng Viva Films at pinagbibidahan nina Ella Cruz at Donnalyn Bartolome kaya tiyak na papasukin ito.
Base sa tunay na pangyayari ang kuwento ng Cry No Fear na si Richard Somes mismo ang nagsulat at nagdirehe.
Tungkol sa isang pamilya ang kuwento ng pelikula na nakatira sa isang exclusive subdivision at pinasok ng mga hindi kilalang tao at isa-isang pinaslang ang mga miyembro.
Ganito rin ang kuwento ng Vizconde Massacre noong 1991 na ilang taon ding naging laman ng mga pahayagan.
Ayon sa kuwento nina Ella bilang si Wendy at ang half-sister niyang si Donnalyn as Kaycee, hindi sila magkasundo kaya laging nag-aaway na puwedeng humantong pa sa patayan.
Naiwan ang dalawa sa bahay kasama ang yaya dahil may out of town work ang tatay nilang si Lito Pimentel na mahigpit silang binilinan na huwag aalis.
Base sa kuwento nina Ella at Donnalyn ay talagang nahirapan sila sa shooting dahil umuulan at nasal abas sila ng bahay.
Si Ella na pinatalon ni direk Richard mula sa mataas na palapag na ang babagsakan ay swimming pool ay kinapos ng hininga kaya nag-panic sila. Good thing may dalang emergency oxygen si direk Richard at siya mismo ang nagbigay ng first-aid kay Ella na labis siyang pinasalamatan.
“Nagme-medic talaga ako. Kasi sa maritime school, required talaga kami to buy that (emergency oxygen). Kaya for safety, bumili kayo mayroon sa Mercury,” pahayag ni direk Richard.
Kuwento nga ni Ella, ”kaya umuuwi po talaga kami ni Donnalyn na puro pasa talaga kasi buong pelikula bumabagyo as in seven shooting days po umuulan. Kaya sobrang challenge talaga ang mga eksena namin dito dahil hindi lang emotional ang kinailangan namin kundi pati physical. Dumating po sa punto na kapag umuuwi na ako ng bahay ay nagtsi-chill ako dahil babad kami sa basa at talagang nilalagnat kami.”
“Sobrang hirap po talaga ‘tong pelikula, kailangan mo talagang mag-exercise para sa pisikal. Kailangan din kasing tumanggap ng ganitong role para hindi naman makita ng tao na puro pa-cute lang. ‘Yung last day po ang pinakamahirap sa amin kasi puro kami pasa-pasa. Sa sobrang hirap po, hindi na ako makatayo paggising ko the next day kaya pinainom ako ng gamot (pain reliever). Gumagapang talaga po ako papuntang banyo. Sobrang challenging talaga,” pahayag naman ni Donnalyn.
Sa gitna ng matinding bagyo, nabulabog ang magkapatid sa pagkatok ng ilang taong humihingi ng pagkain at gamot. Itinaboy nila ang mga ito, ngunit mas lalo nilang nailagay ang mga sarili sa panganib.
Pinasok sina Ella at Donnalyn ng masasamang loob (Lander Vera Perez, Christopher Roxas, Patricia Javier) na hindi magdadalawang-isip na patayin sila kaya ang dating magkaaway ay biglang nagkasundo para mailigtas ang kanilang sarili.
Payo nga ni direk Richard na kapag maiiwan sa bahay ay laging magsasara at huwag ipaaalam sa iba na mag-isa lang para sa kaligtasan at iwasan din ang mag-post sa social media dahil dito kumukuha ng impormasyon ang mga masasamang loob.
Mapapanood na ang Cry No Fear sa Hunyo 20 mula sa Viva Films at idinirehe ni Somes.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan