LUMABAS na ang resulta ng kasong isinampa ni Vina Morales laban sa ama ng anak niyang si Ceana Magdayao Lee na si Cedric Cua Lee kahapon, Mayo 28 mula sa sala ni Judge Anthony B. Fama ng RTC Branch 277, Mandaluyong City.
Guilty Beyond Reasonable Doubt of the crime of Kidnapping and Failure To Return A Minor ang hatol kay Cedric at pinagbabayad siya ng danyos na P300,000 at para sa moral damages, P25,000, at nominal damages, P25,000.
Base sa Art. 270 – Kidnapping and failure to return a minor – The penalty of reclusion perpetua shall be imposed upon any person who, being entrusted with the custody of a minor person, shall deliberately fail to restore the latter to his parents or guardian.
Matatandaang matagal nang hiwalay sina Vina at Cedric at ang anak nilang si Ceana ay nasa custody ng ina.
At bilang ama ay binigyan naman ng visitation rights si Cedric na mahiram ang anak tuwing weekend.
Pero nabago ang lahat noong Mayo 14, 2016, sinundo ni Cedric si Ceana sa bahay nina Vina (kasalukuyang wala sa bansa dahil may trabaho) at dinala sa bahay nito sa condominium sa Mandaluyong City.
Sina Sheila at Shaina Magdayao na mga kapatid ni Vina ang tumatayong guardian ni Ceana kapag wala sa bansa ang singer/actress.
Kuwento ng driver ni Vina, naglaro mula 2:00 p.m. hanggang 10:00 p.m. si Ceana sa playground ng condominium building na roon nakatira si Cedric at nag-text na ang ate Sheila (tiyahin ni Ceana) sa kanya at tinatanong kung anong oras sila uuwi.
Pero sinabihan daw ang driver ni Cedric na hindi na uuwi si Ceana dahil may court order daw.
Nagtaka na ang ate Sheila ni Vina dahil maayos naman ang pag-uusap nila kaya bakit bigla na lang ayaw isauli ni Cedric ang bata kaya pagkalipas ng dalawang araw, Mayo 16, nang hindi pa isinasauli ang apo ay pumunta na si Mr. Enrique Magdayao (tatay nina Vina) sa San Juan Hall of Justice para alamin kung totoong may inisyung court order para sa bata at dito napag-alamang wala.
Pagkalipas ng siyam na araw (Mayo 14-23) ay at saka lang nakita ni Shaina ang pamangkin sa isang lugar sa San Juan kasama ang yaya at sinabing gustong-gusto nang umuwi ng bata pero hindi raw sila pinapayagan ni Cedric.
Kaya nagsampa na ng kaso sina Vina kasama ang legal counsel niyang si Atty. Lucille Sering laban kay Cedric dahil sa hindi nito pagsauli sa tamang oras at araw sa anak nila.
“I’m still floating,” ang tanging nasabi sa amin ni Vina nang hingan namin siya ng komento tungkol dito kahapon habang tinitipa namin ang balitang ito.
Bukas naman ang pahinang ito para sa panig ni Cedric Cua Lee.
ni REGGEE BONOAN