ARESTADO ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang pulis na binaril sa ulo noong Linggo ng madaling-araw, habang target ng mga awtoridad ang anim pa niyang kasamahan.
Iniharap kay PNP chief, Director General Oscar Albayalde kahapon sa press conference sa Camp Crame, ang suspek na si Crispin Fortin, ang gunman sa pagpaslang kay PO3 Don Carlo Mangui.
Siya ay nadakip ng mga awtoridad sa follow-up operation nitong Martes ng umaga sa Brgy. San Isidro sa Antipolo City.
Nabatid sa opisyal, mayroon pang anim na kasamahan ng suspek ang target ng operasyon ng pulisya.
Matatandaan, dumalaw si Mangui, 32, residente sa Teresa, Rizal, nakatalaga sa Crime Laboratory sa Camp Crame, sa kanilang lumang bahay sa Chico St., Purok Sumulong sa Brgy. Dela Paz, Antipolo City.
Niyaya siya ng mga kaibigan na sila ay mag-inoman ngunit dakong 1:45 am, lumitaw sa kanyang likuran si Fortin kasama ang anim pang kalalakihan, at binaril sa ulo ang pulis.
Habang papatakas ang mga suspek ay binaril ni Fortin si Cris Baquiran nang masalubong sa Marcos Highway na lulan din ng motorsiklo.(ED MORENO)