HINDI lang mga nanalong barangay chairpersons na nasa narco-list ang ibinunyag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño. Ibinunyag din niyang naging talamak ang vote buying nitong nagdaang barangay and Sangguniang Kabataan (BSK) elections.
Kumbaga, hindi kompiyansa si Usec. Diño na malinis ang boto nitong nagdaang eleksiyon. Kung dati ay P200-P500 ang ipinamumudmod ng ilang kandidato, nitong nakaraan umano ay P2,000 hanggang P3,000 ang ipinamumudmod ng mga tumatakbong barangay chairman.
Ang unang ibinunyag ni Usec. Martin, sa 207 barangay chair at kagawad na nasa narco-list, 115 ang nag-reelection at mahigit 100 umano ang nanalo.
Kaya ang suspetsa niya, lumarga ang drug money pero may nabalitaan din umano siya na ilang congressman at mayor ang namumudmod ng kuwarta para ibili ng boto ng mga ‘tuta’ at ‘alaga’ nilang barangay candidates.
Hindi lang ‘yan, magsusulong din umano ng lifestyle check si Usec. Diño sa mga nanunungkulang barangay officials.
“Ipa-check namin pati SALN (State of Assets, Liabilities and Net Worth) nila, lalo na rito sa Metro Manila, ang yayaman, ang lalaki ng barangay.”
‘Yan ang sabi ni Usec. Martin.
Ang siste, mukhang hindi nagustuhan ng mga mambabatas ang pahayag na ito ni Usec. Diño kaya magpapatawag sila ngayon ng imbestigasyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay ng naganap na vote buying nitong nakaraang BSK elections.
Aba kung may pruweba si Usec. Diño, mas mainam ngang maiharap ito sa Kongreso nang sa gayon ay mailantad sa publiko kung sino talaga ang ‘sumisistema’ ng vote buying tuwing eleksiyon.
Tututokan po namin ‘yan, Usec. Diño!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap