UMAABOT sa P3 milyon halaga ng shabu at high grade marijuana ang nakompiska ng mga tauhan ng Drugs Enforcement Unit (DEU) sa ikinasang buy-bust operation sa Cainta, Rizal, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PRO4-A Calabarzon regional director, C/Supt. Guillermo Eleazar ang mga arestado na sina Michelle Baylon at Laika Vera, kapwa asawa ng mga inmate sa Bicutan na sina Evan Baylon at Jester Vera, na co-inmate ng isang Antonio Cisneros, isang American national na umano’y utak ng pagpapakat ng ilegal na droga sa Metro Manila at karatig probinsya.
Ayon sa ulat, sa ikinasang buy-bust operation ng DEU-Calabarzon ay nakompiskahan ang mga suspek ng 250 gramo ng shabu at isang kilo ng imported marijuana o kush, tinatayang P3 milyon ang halaga sa Que Plaza, Cainta.
Ayon kay Eleazar, konektado ang dalawang babae sa isang grupo ng mga nagtutulak ng ecstacy sa Quezon City at iisa ang pinagkukuhaan ng supply.
Pinabulaanan ng mga nadakip na suspek ang alegasyon sa kanila.
Nakompiska rin sa mga suspek ang P500,000 buy-bust money.
Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002 ang haharapin ng mga suspek.
(ED MORENO)