PATAY ang 61-anyos doktor makaraan umanong magbaril sa ulo sa loob ng kanyang opisina sa Antipolo City, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat na tinanggap ni Rizal PNP provincial director, S/Supt. Lou Evangelista, kinilala ang biktimang si Dr. Rodolfo Rabanal y Cabanilla, nakatira sa Blk. 26, Lot 21, Sampaguita St., Valley Golf, Brgy. Mambugan sa lungsod.
Ayon sa pahayag ni Rosie Sabandal, kasambahay ng biktima, dakong 8:15 am nang makarinig siya ng putok ng baril mula sa opisina ng doktor kaya agad niyang sinilip.
Aniya, nagulantang siya nang makitang duguang nakabulagta ang doktor sa isang sofa bed at may tama ng bala ng .45 kalibreng baril sa ulo.
Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang mabatid kung may naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.
(ED MORENO)