UMABOT sa P8.65 milyon halaga ng “misdeclared” na produktong glutathione at beauty products ang nasabat ng Bureau of Customs sa NAIA sa Pasay City, nitong Miyerkoles.
Ayon sa ulat, nakita ng Customs sa x-ray machine ang kahina-hinalang laman ng dalawang shipment na 927 kilo at at 1,120 kilo ang timbang. Mula ito sa consignee na kinilalang si James Malinao Halasan.
Batay sa mga dokumentong isinumite sa ahensiya, idineklara ni Halasan na mga personal na gamit ang laman ng dalawang shipment.
Ngunit nang buksan ng Customs ang laman ng shipments, tumambad sa kanila ang iba’t ibang gluta at beauty products.
Inihayag ni NAIA district collector Vincent Philip Maronilla, ang bawat pasahero ay pinapayagan lang makapagdala ng P150,000 halaga ng mga pasalubong sa balikbayan box.
Bunsod nito, nahaharap si Halasan sa paglabag sa Section 1400 ng Republic Act 10863. Ipasusuri ang nasamsam na mga produkto sa Food and Drug Administration (FDA). (GMG)