NAGPAHAYAG ng pakikiramay ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa gobyerno ng Estados Unidos at sa mga magulang ng namatay na mga estudyante at mga sugatan makaraan ang pamamaril sa isang paaralan sa Parkland, Florida nitong Miyerkoles.
“We are deeply saddened over the loss of so many young lives in this shooting incident in Parkland, Florida. Our hearts reach out to the families of those who lost their lives in this horrible tragedy,” pahayag ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano.
,
Ayon kay Cayetano, sa ipinarating na report ng embahada ng Filipinas sa Washington, D.C., wala aniyang Filipino sa mga biktima ng pamamaril sa Marjory Stoneman Douglas High School.
Sa inisyal na ulat ni Ambassador Jose Manuel G. Romualdez, isang estudyante na na-expell sa naturang paaralan, na armado ng mataas na kalibre ng baril ang pumasok sa gusali ng eskuwelahan at walang habas na namaril, ikinamatay ng 17 estudyante at ikinasugat ng 16 pang iba.
Ang suspek na sugatan din ay nasa kustodiya ng pulisya.
Ang naturang trahedya ay ikinokonsiderang pinakamalalang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa kasaysayan ng Estados Unidos.
“We join our kababayans in Parkland, Florida and the rest of Florida and the United States in prayers for the victims of this tragic incident,” ayon kay Ambassador Romualdez.
(JAJA GARCIA)