DATI pa lang Star Magic artist si Nathalie Hart na pagkaraan ay lumipat ng ibang bakuran at sumali sa Starstruck at Survivor ng GMA 7. Subalit hindi siya nagtagal bilang isang survivor dahil nagkaroon siya ng problema.
Ani Nathalie sa presscon ng Sin Island, pelikula nila nina Xian Lim at Coleen Garcia handog ng Star Cinema na mapapanood na simula ngayong araw, kinailangan niyang mag-quit sa Survivor
“I had family problem. I was not ready and my uncle died, he’s the one who took care of me when I was a child. He was murdered,” kuwento ng dalaga na hindi na inalintana kung magkakapangalan siya at sisikat noon. “I don’t care being sikat, wala akong pakialam, lumayas ako. I stop doing showbusiness.”
At sa kanyang pagbabalik, agad namang umalingawngaw ang pangalan niya nang magwaging Best Actress sa NY Filmfest matapos niyang gawin ang Siphayo na idinirehe ni Joel Lamangan.
At ngayon, isa namang mapaghamong karakter ang ginagampanan niya sa Sin Island at aminado ang aktres na hindi na siya nahirapan sa mga daring scene na ipinagawa ni direk Gino Santos.
Ani Nathalie, hindi na niya kinailangan pang mag-iiyak sa CR sa mga tagpong nag-uumapaw sa sekswalidad, mapangahas na love triangle at iba pa tulad ng ginawa niya ang Siphayo.
Aniya, wala na siyang kiyeme na gawin ang maseselang eksena.”It takes time to digest it, for me wala akong pakialam, pagkatapos kong gawin ang ‘Siphayo’.
At kung ikukompara ang Sin Island sa Siphayo, mas grabe ang pelikulang idinirehe ni Lamangan kaya nga hanggang ngayon ay hindi niya iyon ipinanonood sa kanyang ina at pamilya.
Samantala, ipinagmamalaki naman niya ang pag-arteng ginawa sa Sin Island. ”Mayroon talagang story dito, makikita ng viewers hanggang saan ang level ng acting ko, I really tried my best. Sila na lang bahala kung ano masasabi nila sa akin.”
Aminado rin si Nathalie na nahirapan siya sa mga ipinagawa ni Direk Santos, “It was so hard, a very challenging role as well, crazy, funny, babaeng bakla.
“I really enjoy doing this, half of me is this and half is not,” ani Nathalie.
Iginiit pa ni Nathalie na hindi lamang pagpapa-sexy ang kaya niyang gawin dahil may ginagawa rin siyang comedy. ”I can do other things,” aniya.
Tampok din sa pelikulang ito sina TJ Trinidad, Lito Pimentel, Ricardo Cepeda, Marina Benipayo, Bernard Palanca, Joyce Burton, Dominic Choa, Thou Reyes, Charlie Dizon, McCoy de Leon, Desiree del Valle, at Nikki Valdez. Palabas na ngayong araw, February 14 ang Sin Island.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio