NAKALIGTAS sa ambush ang isang abogado habang patay ang isang AWOL na pulis, kabilang sa tatlong hinihinalang hired killers, makaraan makipagbarilan sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Sa pulong balitaan ni Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, humarap sa mga mamamahayag ang target ng mga suspek na si Atty. Argel Joseph Cabatbat, na hindi man lang tinamaan o nasugatan sa insidente.
Samantala, ang napatay na isang AWOL police officer ay kinilalang si PO1 Mark Boquera Ayeras, 32, nakatira sa 128 M.H. Del Pilar St., Brgy. Santolan, Malabon City.
Namatay si Ayeras sa tama ng bala sa kanang tagliran bukod sa pagkakasagasa sa kanya ng driver ng abogado.
Sugatan ang isa sa mga suspek na si John Paul Napoles, 27, residente sa Don Carlo St., Brgy 190, Pasay City. Siya ay nakaratay sa East Avenue Medical Center dahil sa sugat sa katawan makaraang sagasaan din.
Ayon sa ulat, dakong 12:30 am habang pauwi ang abogado sakay ng kanyang Mitsubishi Montero na minamaneho ng kanyang driver, kasama ang isang Janjan, napansin ng abogado na sinusundan sila ng dalawang motorsiklo habang kanilang binabagtas ang EDSA, Quezon City.
Sinabi ng abogado, pagdating nila sa kanto ng EDSA at East Avenue, nakita niya si Ayeras na angkas ng isa sa dalawang motorsiklo, na bumunot ng baril kaya agad siyang nakadapa. Hindi tinamaan ang abogado nang paputukan ni Ayeras.
Habang nakadapa si Cabatbat na nakasakay sa back passenger’s seat, sinabihan niya si Janjan na nakaupo sa front passenger’s seat, na may baril sa consul box sa kanyang harapan.
Agad kinuha ni Janjan ang baril at saka pinaputukan si Ayeras na tinamaan sa tagiliran. Nang bumagsak ang motorsiklo, sinagasaan ng driver sina Ayeras at Napoles.
Samantala, ang isa pang suspek na sakay ng isa pang motorsiklo ay mabilis na nakatakas.
Isinugod ng nagrespondeng mga pulis ang dalawang suspek sa East Avenue Medical Center ngunit makalipas ang isang oras namatay si Ayeras.
Ayon sa abogado, matagal na siyang nakatatanggap ng death threat ngunit hindi niya matukoy kung sino ang nagtangka sa kanyang buhay dahil marami siyang hinahawakan kaso.
ni ALMAR DANGUILAN