INIHAYAG ni Labor Secretary Silvestre Bello III, magpapalabas siya ng bagong order ngayong Lunes, hinggil sa pagpapatupad ng total deployment ban sa Filipino workers sa Kuwait.
Sinabi ni Bello, inatasan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpalabas ng order hinggil sa total deployment ban, hiwalay sa nakaraang utos na pagsususpende sa proseso ng bagong employment certificates.
“This time, what the president wanted is a total deployment ban,” ayon kay Bello.
Ang mga nagbabakasyong Filipino workers, bukod sa new hires, ay hindi na pahihintulutang makabalik sa Kuwait.
Hindi pa malinaw kung ang mga Filipino na kasalukuyang nagtatrabaho sa Kuwait, ay sakop ng nasabing ban.
Sinabi ni Bello, ang detalye ng deployment ban ay nakasaad sa utos ng Department of Labor and Employment na ipalalabas ngayong Lunes.
Nitong Biyernes ng gabi, nanawagan si Duterte sa mga Filipino sa Kuwait na bumalik sa bansa sa loob ng 72-oras.
Aniya, hihilingin niya sa airlines na isakay nang libre pauwi sa bansa ang mga nais bumalik sa Filipinas.
Samantala, inilinaw ni Bello, ang 72-oras na ibinigay ni Duterte ay para sa Filipino distressed workers, mga nabigyan ng amenstiya at iba pang nais nang umuwi sa Filipinas.
Hindi pa malinaw kung ang 72-oras ay magsisimula kasabay ng pagpapatupad ng DOLE ng deployment ban ngayong Lunes.
HATAW News Team