MAWAWALAN ng bonus para sa sa isang buong taon ang mga pulis na mahuhuling natutulog sa trabaho, ayon sa hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Napag-alaman, nagbabala si NCRPO Director Oscar Albayalde sa mga pulis na mahuhuling natutulog sa trabaho na kakasuhan sila.
“Puwedeng reprimand po ‘yan o suspension. ‘Pag ikaw ay na-suspende kahit na isang araw lang sa serbisyo, tanggal po ‘yung bonus mo sa isang taon,” sabi ni Albayalde.
Matatandaan, sinibak ang mga hepe at tauhan ng ilang police station nitong nakaraang linggo makaraan silang abutan ni Albayalde na natutulog at nag-iinoman.
Bumuo ng team na mag-iikot sa madaling-araw upang tiyaking nagtatrabaho ang mga pulis na naka-duty, sabi ni Albayalde.
“Nag-create na po tayong ‘red team’ coming from the regional headquarters at sila po ay makakasama nating mag-ikot sa madaling-araw… Ia-account natin lahat ng [on] duty,” sabi ni Albayalde.
Apela niya sa mga tauhan, “Dinoble na nga po ang aming suweldo, sana suklian naman natin ito ng pagseserbisyo.”