ISA si Ara Mina sa nagsalita sa eulogy para kay Direk Maryo delos Reyes sa burol nito sa Loyola Memorial Chapel, sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Miyerkoles ng gabi, January 31.
Ayon kay Ara, 20 years old lang siya nang una niyang makatrabaho si Direk Maryo sa pelikulang Pahiram Kahit Sandali noong 1998 at co-stars niya rito sina Christopher de Leon at Alice Dixson.
Sabi ni Ara, ”Medyo baguhan pa po ako sa pelikula noon. Hirap pa akong umarte. Mayroong isang scene na kailangan kong umiyak. So, I remember, ‘yung image ko noong time na ‘yun, nagpapa-sexy ako. So, hindi ako talaga makaiyak sa isang eksena. And kinakabahan ako,” sabi ni Ara.
Patuloy niya. ”Naging mahaba ang pasensiya niya sa akin. So, hindi niya ako pinabayaan, hindi niya ako tinantanan. ‘Kaya mo ‘yan, kaya mo ‘yan.’ Kasi, lalo na noong time na ‘yun, minsan ‘pag nagpapa-sexy ka, sinasabi, ‘Ham actress naman ‘yan, eh.’ Mga ganoon… ham actress. Tapos, isa siya sa nagbigay ng tiwala sa akin. ‘Alam mo, kaya mo umiyak. Kaya mo ‘yan.’ As in, hindi talaga niya ako tinantanan. Siya na ‘yung umiyak for me.”
Nakuha ni Direk Maryo ang respeto ni Ara.
“Simula noong nangyari ‘yun talaga, lahat ng advice niya, ina-apply ko rin sa ibang pelikulang ginawa ko sa mga sumunod.”
Muli silang nagkatrabaho ni Direk Maryo J. sa defunct GMA-7 drama series na Dapat Ka Bang Mahalin noong 2009.
“Basta every time na nagkikita kami, tawag ko sa kanya, Teddy Bear. ‘Pag tumatawa siya ng ganoon, hinihimas ko ‘yung tiyan niya, tapos niyayakap ko siya. Sobrang naging close talaga ako sa kanya.”
Isa sa huli nilang pag-uusap ay ang planong gumawa uli sila ng pelikula.
“Nakakalungkot, nakakabigla lang dahil nag-uusap pa kami, ‘Gawa tayo ng pelikula ulit.’”
Sagot pa ni Ara kay Direk Maryo J., ”Sige, Direk, marunong na akong umiyak kahit hindi mo ako i-motivate.”
MA at PA
ni Rommel Placente