NITONG Martes (30 Enero) ay sabay-sabay na inilunsad at ipinakilala sa entertaiment press at bloggers ng Star Music sa pamamagitan ng ilan sa mga awitin at albums na dapat abangan sa larangan ng musika ngayong taon mula sa bagong recording artists nito – ang bandang Agsunta, ang aktor na si JC Santos, ang acoustic singer na si Migz Haleco, ang singing duo na sina Miko at Gab, at ang Filipino-Japanese artist na si Natsumi Saito.
Sa wakas ay may self-titled debut album na ang acoustic band na Agsunta na unti-unting sumisikat online, partikular sa Filipino millennials.
Tugtog acoustic at soft melodic rock ang kabilang sa kanilang album na pinangungunahan ng carrier single na may titulong “Di Ba Halata.”
Maraming videos ng Agsunta ang naging viral sa YouTube at Facebook mula sa kanilang Agsunta Song Request webisodes handog ang kanilang nakabibilib na OPM covers, at mula sa Agsunta Jam Sessions tampok ang kanilang jamming activities kasama ang mga sikat na musicians.
Kabilang sa nasabing grupo sina Jireh Singson, Mikel Arevalo, Josh Planas, at Stephen Arevalo.
Inilunsad ng “‘Til I Met You” actor na si JC Santos ang kanyang unang single na may titulong “Puwede Naman” na isinulat ni Gabriel Tagadtad at prinodyus ni Kiko Salazar kasama rin sa album ni JC ang Hindi Pa Ron, Is It Okey If I Call You Mine, Kasalan, at Jealous.
Opisyal na ring pumirma ang singer-actor ng recording contract sa Star Music at nakatakdang maglunsad ng debut album sa darating na Pebrero 18 (Huwebes) sa Robinson’s Place Manila.
May bagong singing tandem din ang kabilang na ngayon sa Star Music. Sila ay sina Miko Juarez at Gabriel Umali o mas kilala sa tawag na Miko at Gab, at unti-unting nakikilala dahil sa hit single nilang “Hugot.”
Nagkakilala ang dalawa bilang contestants ng “Pinoy Boyband Superstar” noong 2016. Sa kanilang madalas na paggawa ng mga covers ay nadiskubre nilang maganda pala ang blending ng kanilang mga boses. Ang kanilang karera ay hawak ng Asian Artists Agency na pinangungunahan ng King of Talk na si Boy Abunda.
Kasalukuyang nagpapakilala ng kanyang bagong single, ang awiting “Pag Ika’y Nagmahal,” ang acoustic bae na si Migz.
Una siyang nakilala bilang dating bahagi ng singing duo na Migz at Maya, at kamaikailan naman ay bilang interpreter ng awiting “Bes,” isa sa song finalists sa Himig Handog 2017.
Kasalukuyan siyang mapapanood bilang bahagi ng “ASAP” Jambayan. Inilunsad na rin ni Natsumi, isang contestant ng “The Voice Kids” Season 1 mula sa Camp Kawayan, ang kanyang self-titled debut album na may anim na kanta. Inilabas na noong Oktubre ang carrier single na “Para Lang Sa’yo.” Magiging available rin sa Japan ang nasabing “Natsumi” album, ayon sa Facebook page ng dalaga.
Bukod sa mga bago nilang awitin, tampok sina Migz at ang Agsunta band sa nalalapit nilang Valentines concert mula sa Star Events, ang “ValenTimes 2” na gaganapin sa February 15 (Thursday) sa Teatrino
Promenade Greenhills kasama si Iñigo Pascual bilang special guest.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga bagong artists ng Star Music, bisitahin ang starmusic.ph, i-like ang Star Music safacebook.com/starmusic-ph, at sundan ito sa Twitter at Instagram @ StarMusicPH
VONGGANG CHIKA!
ni Peter Ledesma