ANG half-Pinoy na si Bruno Mars ang biggest winner sa 60th Grammy Awards na idinaos sa Madison Square Garden noong Linggo ng gabi sa New York.
Nagwagi si Bruno—na ang ina ay isang Pinay—ng Album of the Year para sa kanyang 24K Magic; Record of the Year, Song of the Year; at Best R&B Album.
Actually, nanalo si Bruno sa lahat ng anim na kategoryang nominado siya. ‘Yung dalawa pang award ay technical at nakaukol sa mga sound engineer na nag-record ng album.
Ang kanta n’yang That’s What I Like sa 24K Magic ang pinanalong Song of the Year.
Ang Recording Academy ng Amerika ay binubuo ng 13,000 music professionals.
Dumating naman sa awards night si Bruno para tanggapin ang mga tropeo n’ya. Nag-victory speech siya na naka-sunglasses. Sa isang bahagi ng isa sa victory speeches n’ya, ginunita n’ya ang unang napakamatagumpay na public performance n’ya sa Hawaii na roon siya ipinanganak at lumaki.
“I remember seeing it firsthand — people dancing that had never met each other from two sides of the globe, dancing with each other, toasting with each other, celebrating together,” kuwento n’ya.
Peter Gene Bayot Hernandez ang tunay na pangalan ni Bruno. Bernadette Bayot naman ang pangalan ng yumaong nanay n’ya na band singer-dancer na tubong Cebu pero lumikas sa Hawaii, na nakilala nito ang naging ama ni Bruno na si Peter Hernandez na half-Puerto Rican.
Ang ama ni Bruno ang nagbigay sa kanya ng palayaw na Bruno dahil kahawig ng bata ang professional wrestler na si Bruno Sammartino.
Si Bruno mismo ang nagbigay sa sarili n’ya ng professional surname na “Mars” noong lumikas na siya sa Los Angeles, USA, dahil marami ang nagsasabi sa kanya na ‘di nila mawari kung saang lupalop siya nanggaling. Ang planetang Mars ang pinatutungkulan n’ya sa pinili n’yang apelyido.
Nakatakdang mag-concert si Bruno rito sa Pilipinas sa darating na buwan ng Mayo. Nag-concert na siya rito noong 2012.
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas