HINDI ikinaila ni JC Santos na malungkot ang naging hiwalayan nila ni Teetin Villanueva. Apat na taon din kasi ang pinagsamahan nila.
Sa Magandang Buhay kahapon, sinabi pa ng actor na mabigat pa rin ang nararamdaman niya ukol sa naging paghihiwalay nila ni Teetin. “Hindi pa ako makapag-focus ng maayos. Pero trying getting there,” ani JC na kasamang inilunsad ng Star Music sa mga bagong recording artists na ipinakilala noong Martes ng tanghali.
Ilulunsad ni JC ang kanyang debut album sa Pebrero 18 sa Robinsons Place Manila. Nauna rito, inilunsad din niya ang kanyang unang single na may titulong Pwede Naman na isinulat ni Gabriel Tagadtad at ipinrodyus ni Kiko Salazar.
Natanong si JC kung may pag-asa pa silang magkaayos ng dating nobya, at sinagot nito ng, “Wala pong sinasabing sarado. Pero kung mayroon, kung mag-usap kami ulit, kung maayos at mawala na ang lahat ng galit, then we’re still going to give it a chance.”
Iginiit pa ng actor/singer na posible pa silang magkaayos ni Teetin.
Sa kabilang banda, kasamang inilunsad ng Star Music ang bandang Agsunta, ang acoustic singer na si Migz Haleco, ang singing duo na sina Miko at Gab, at ang Filipino-Japanese artist na si Natsumi Saito.
Mayroon na ring self-titled debut album ang acoustic band na Agsunta na unti-unting sumisikat online, lalo sa mga Filipino millennials. Tugtog acoustic at soft melodic rock ang kabilang sa kanilang album na pinangungunahan ng carrier single nilang Di Ba Halata.
Maraming videos na ng Agsunta ang naging viral sa YouTube at Facebook mula sa kanilang Agsunta Song Request webisodes handog ang kanilang nakabibilib na OPM covers at mula rin sa Agsunta Jam Sessions tampok naman ang kanilang jamming activities kasama ang mga sikat na musicians. Ang grupo ay binubuo nina Jireh Singson, Mikel Arevalo, Josh Planas, at Stephen Arevalo.
Ang singing tandem namang sina Miko Juarez at Gabriel Umali ay unti-unti na ring nakikilala dahil sa hit single nilang Hugot. Nagkakilala ang dalawa bilang contestants ng Pinoy Boyband Superstar noong 2016. Sa madalas nilang paggawa ng mga cover, nadiskubre nilang maganda pala ang blending ng kanilang mga boses. Ang dalawa ay nasa pangangalaga ng Asian Artists Agency ni Boy Abunda.
Kasalukuyan namang nagpapakilala ng kanyang bagong single, ang awiting Pag Ika’y Nagmahal, ang acoustic bae na si Migz. Una siyang nakilala bilang dating bahagi ng singing duo na Migz at Maya, at kamaikailan naman ay bilang interpreter ng awiting Bes, isa sa song finalists sa Himig Handog 2017. Kasalukuyang siyang napapanood bilang bahagi ng ASAP Jambayan.
Contestant naman ng The Voice Kids season 1 si Natsumi, mula sa Camp Kawayan. Ang kanyang self-titled debut album ay may anim na kanta at inilabas noong Oktubre ang carrier single niyang Para Lang Sa ’Yo. Available rin sa Japan ang Natsumi album, ayon sa Facebook page ng dalaga.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio