NATAGPUANG bangkay sa Tanay, Rizal ang isang nawawalang call center executive na nakabalot sa duct tape ang ulo, nakagapos ang mga kamay at paa at binuhusan ng muriatic acid.
Kinilala ang biktimang si Marvin Jacla, empleyado ng ANZ Global Services sa Makati City at huling pumasok sa trabaho noong 11 Enero.
Ayon sa ulat, nang hindi nakauwi mula sa trabaho ang biktima ay nagtaka ang kanyang inang si Teresita Tagab kaya tumawag sa opisina ng anak.
“Tinanong ko kung bakit ‘yung anak ko hindi nakauwi sa amin. Ang sagot sa akin ng Global, nag-half day daw siya kahapon, ‘yun ang sinabi sa akin. Kaya no’ng sinabing nag-half day, kinutuban na ako,” pahayag ni Tagab.
Nagpakalat ng larawan ni Jacla ang pa-milya makaraan silang magpa-blotter sa barangay at pulisya.
Nitong Lunes ng gabi, may nakapag-ulat na concerned citizen hinggil sa nakitang bangkay sa madilim na bahagi ng Marilaque Road sa Tanay, Rizal noong 12 Enero ng umaga.
Agad nagtungo sa punerarya si Teresita at dito nila positibong kinilala na kay Jacla ang bangkay. Ang biktima ay may tama ng saksak sa leeg.
“Nang pumunta nga ako ng Tanay, alam mo ang sagot sa akin ng Tanay? ‘Ma’am may kaaway ba ‘yung anak mo?’ Sabi ko ‘Bakit ho sir?’ ‘Kasi pinatay, binugbog muna, binuhusan ng muriatic,’ sabi nila sa akin. ‘Paanong mangyayari ‘yun, ang anak ko mabait ‘yan?’ sabi kong gano’n sa kanila. ‘Basta na lang [itinapon] sa malapit sa bangin sa napakala-yong lugar. Madilim doon, walang signal ng cellphone,’” pahayag ng ina.
Wala umanong nakakaaway si Marvin kaya suspetsa ng pamilya, carnapping ang motibo sa krimen.
Nawawala ang sasakyan ng biktima na isang silver Montero at may plakang VIN 219.
“Nawawala ‘yung sasakyan kaya ang nasa ulo ko, ang motibo niya is kunin ‘yung sasakyan pero dapat hindi niya naman sana ginanyan ang anak ko,” sabi ni Tagab.
Inaalam ng mga awtoridad ang pagkaka-kilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pagpagpatay.