ARESTADO sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang lalaking hinihinalang tulak ng party drugs, kabilang ang liquid ecstasy, at cocaine, sa Mandaluyong City.
Ayon sa ulat, nadakip ng mga tauhan ng PDEA Special Enforcement Service ang mga suspek na sina Lester Almalbez, 35, at Harold Peñaflor, sa buy-bust operation sa Princeville Condominium sa nabanggit na lungsod, pasado 9:00 pm nitong Huwebes.
Sa nasabing operasyon, nakompiska ng mga operatiba ang P666,000 halaga ng droga sa condominium unit.
Kabilang dito ang anim pakete ng cocaine, P140,000 ang halaga; 70 ecstasy tablets, P46,000 ang halaga, at 1.6 liters ng liquid ecstasy na nakalagay sa 20 bote ng energy drinks, P480,000 ang street value.
Ayon sa ulat, ang droga ay galing sa isang presong nakadetine sa New Bilibid Prison.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa PDEA, ang bentahan ng nasabing bago at higit na delikadong uri ng liquid ecstasy, na hinahaluan ng cocaine o Viagra upang higit na maging malakas, ay talamak lalo sa mga club at bar.
Sa cellphone video shot ng suspek na si Almalbez, makikita ang isang babaeng nakabatak ng droga habang sinisipa ang dingding na parang inatake ng seizures at involuntary muscle spasms, apektado rin ang kanyang pagsasalita, pag-uugali na maituturing na parang isang zombie. (ED MORENO)
PDEA desmayado
BAGONG NARCOS
SA BILIBID LUMAHOK
SA DRUG TRADE
NAGPAHAYAG ng pagkadesmaya si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino hinggil sa umano’y pagpasok ng “new players” sa illegal drug trade.
Ito ay kasunod ng drug-bust sa isang condominium unit sa Mandaluyong City, na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek, isiniwalat na ang suppliers ng illegal drugs ay mula sa New Bilibid Prison.
“Marami pong new players. Imbes nababawasan, lalong lumalaki,” ayon kay Aquino.
Ayon sa PDEA chief, sa nasabing drug bust, panglima ang naarestong suspek na nagsabing ang kanilang drug suppliers ay mula sa national penitentiary.
“And nobody knows who are these people. Hindi namin kilala. ‘Yun nga ‘yung nakaka-frustrate. Sabi ko nga kahit magkandakuba ‘yung mga pulis natin at mga ahente natin sa PDEA para ‘anohin’ ang isang barangay, kung tone-tonelada naman ‘yung pumapasok useless e,” himutok ni Aquino.
Sinabi ni Aquino, ang posibleng solusyon sa probema ay maaaring pag-overhaul sa sistema sa loob ng national penitentiary.
“Hindi ko alam e. Ang nakikita ko lang solusyon is wasakin ang buong NBP. Ilipat ‘yan sa isang ideal facility,” aniya.
Ang pahayag ni Aquino ay sa gitna ng napi-pintong pagbabalik ng PNP sa kampanyang “Tokhang” ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
TOKHANG MULING
ILULUNSAD NG PNP
NGAYONG ENERO
MULING ilulunsad ng Philippine National Police ang house-to-house anti-drug operation “Oplan Tokhang” ngayong Enero, pahayag ni Director General Ronald dela Rosa, nitong Biyernes.
Sa ambush interview, sinabi ni Dela Rosa, nagbigay na siya ng go signal sa police commanders para sa pagbuhay sa nasabing programa sa Lunes.
Tiniyak ng PNP chief sa publiko, ang “true spirit” ng Oplan Tokhang, ang pagkatok at pakiusap sa drug suspek na sumuko, ay ipatutupad sa muling paglulunsad nito. Ang pagbuhay sa Tokhang ay makaraan iutos ang pagbabalik sa pulisya sa frontline sa war on drugs ng administrasyon.
Nitong nakaraang taon, inalis sa PNP ang kapangyarihan na mamuno sa anti-drug campaign at ipinasa sa PDEA, ayon sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang nasabing direktiba ay makaraan humarap ang PNP sa mga kritisismo dahil sa umano’y pang-aabuso at mga pagpatay sa drug war, kabilang ang kontrobersiyal na pagkamatay ng ilang kabataan.
Dahil sa anti-drug campaign
METRO MANILA
CRIMES BUMABA
— NCRPO
BUNSOD ng kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga, bumaba ang insidente ng krimen sa Metro Manila noong 2017 ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sinabi ni NCRPO chief, Director Oscar Albayalde, kompara sa datos noong 2016, bumaba ang insidente ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping at motorcycle theft noong 2017 dahil umano sa tagumpay ng Oplan Double Barrel: murder – 1,976 (2016), 1,514 (2017); homicide – 577 (2016), 423 (2017); physical injuries – 4,830 (2016), 4,462 (2017); rape – 1,098 (2016), 906 (2017); robbery – 3,603 (2016), 3,025 (2017); theft – 8,059 (2016), 6,454 (2017); carnapping – 317 (2016), 162 (2017); motorcycle theft – 1,221 (2016), 842 (2017).
Ayon kay Albayalde, plano nilang ipagpatuloy ang Oplan Tokhang ngayong 2018 na nakatuon sa mga drug suspect sa watch list.
Habang nakatuon umano ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga tinatawag na high-value targets.
Ipagpapatuloy ng NCRPO chief ang paglilinis sa hanay ng pulisya.