PATAY ang walo katao nang gumiwang ang bangkang walang katig na kanilang sinasakyan dahil sa pagse-selfie sa isang fishpen sa Laguna de Bay na pinagdarausan ng birthday party sa Binangonan, Rizal kamakalawa ng hapon.
Pinalad na makaligtas ang limang kasama ng mga nalunod na biktima.
Kinilala ng pulisya ang mga namatay na sina Neymariet Mendoza; Malou Gimena, 39; Mari-lou Barbo Papa, 44; Fre-derick Orteza, 43; Weldy Pareño; Rolino Pareño; Sean Wilfred Orteza, 6; at Jiannah Jensom Pareño, 2; pawang mga residente ng Taguig City.
Habang nakaligtas sina Grace Pareño; Merlita Hominez; Gerson Decleto, 10; Joash Pareño, at Maxine Orteza, 7-anyos.
Nabatid mula kay Jun Fernandez, Binangonan-MDRRMO chief, dakong 1:30 pm, nang nangyari ang insidente sa Laguna Lake na sakop ng nabanggit na bayan.
Ayon sa pulisya, pa-punta ang grupo sa isang fish pen upang magsalo-salo para sa kaarawan ng isang kaibigan nang mangyari ang insidente.
Nag-selfie umano ang ilan sa kanila sa gilid ng bangka na walang katig, dahilan para ito tumaob.
Agad nagresponde ang Coast Guard at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at sinagip ang mga biktima.
Ayon sa mga awtoridad, maaaring nalunod ang mga biktima dahil nadaganan sila ng bangka na gawa sa fiberglass.
Hindi tulad ng kahoy na bangka, madali umanong lumubog ang bangkang gawa sa fiberglass kapag tumaob na.
ni ED MORENO