MAY sapat na basehan ang inihaing impeachment complaint laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Ito ang lumabas sa naging botohan ng House Committee on Justice para sa mosyon na aprubahan ang “sufficiency of the grounds for impeachment” na pina-boran ng 25 kongresista habang dalawang mambabatas ang tumutol.
Ang dalawang nag-no ay sina Rep. Kit Belmonte (Quezon City) at Rep. Kaka Bag-ao (Dinagat Island).
Inihain ni Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal ang mosyon para pagbotohan kung sapat ang “grounds” para ma-impeach si Sereno.
Sinabi ng komite na wasto ang apat grounds na isinaad ni Atty. Hilario Gadon sa kanyang reklamong impeachment, na mayroong 27 alegasyon laban kay Sereno.
Inakusahan ni Gadon ang punong mahistrado ng “culpable violation of the Constitution, corruption, other high crimes at betrayal of public trust.”
Samantala, inaprubahan ng parehong komite ang report at kasama nitong resolusyon na nagbabasura sa impeachment complaint laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista.
(JETHRO SINOCRUZ)