SUMAGOT na sa impeachment complaint si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kahapon.
Isa-isang sinagot ni Sereno ang reklamo sa 85 verified answer na isinumite ng isa sa kaniyang pitong abogado na si Atty. Justine Mendoza, sa House Committee on Justice.
Tinanggap ni Justice Committee Secretary Atty. Rene Delorino ang sagot ni Sereno sa huling araw ng 10 araw palugit na ibinigay sa Punong Mahistrado upang sagutin ang impeachment complaint.
Matapos ito, agad nagsagawa ng press conference sa Max Restaurant sa Quezon City ang pitong abogado ni Sereno, sa pangunguna ni Atty. Alex Poblador.
Umaasa si Poblador na madi-dismiss ang impeachment complaint laban kay Sereno dahil ang mga alegasyon ay pawang hearsay na nakabase sa mga news report at hindi nakapaloob sa grounds for impeachment.
Ang unang impeachment complaint laban kay Sereno na inendoso ng 25 kongresista ay inihain ni Atty. Lary Gadon habang ang ikalawa na inendoso ng 16 kongresista ay inihain ng VACC ngunit ito ay ibinasura dahil kulang sa “sufficiency in form and substance.”
(JETHRO SINOCRUZ)