MAGDEDESIYON na ang Makabayan Bloc sa susunod na linggo kung mananatili pa o kakalas na sila sa Super Majority coalition.
Ito ang inihayag ni Bayan Muna Rep. Isagani Zarate makaraan ibasura ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang nominasyon ni Secretary Rafael Mariano ng Department of Agrarian Reform (DAR).
“Sa pagtanggal kay Ka Paeng sa DAR ay tuwang-tuwa ang mga panginoong maylupa at mga landgrabbers, samantala malungkot ang mga magsasaka,” banat ni Zarate.
Paliwanag ni Zarate, sa pagkakatanggal kina Mariano at dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo ay wala nang maaasahan pa sa administrasyong Duterte dahil babagal na ang serbisyo sa DSWD at hindi na maipamamahagi ang lupa sa mga magsasaka.
Ilang minuto matapos maibasura ang kompirmasyon ni Mariano ay agad nagbigay ng reaksiyon si Anakpawis Rep. Ariel Casilao sa pagsasabing parang inaasahan na niya ang magiging desisyon ng CA.
Nangangamba si Casilao na maitaboy palayo ang interes ng mga magsasaka katulad nang nagdaang administrasyong Aquino na pumabor lamang sa mga landlord, mayayaman at dayuhan.
(JETHRO SINOCRUZ)